Friday, October 28, 2011

Diskusyon sa IP, Pinagtibay

"Gusto nating ipaalam sa lahat ng gumagamit ng copyrighted materials na ang copyright ay isang human right. Kung naintindihan natin na human right ito, ipaglalaban at rerespetuhin natin ito," sabi ni Alvin Buenaventura, FILCOLS Executive Director.


Ipinaliwanag ni Buenaventura ang iba't-ibang uri ng IP katulad ng patent, trademark at ang karapatang-sipi. Binanggit din niya ang mga karapatang nakapaloob sa IP at kung paano nito mapapabuti ang may-akda, ang mambabasa at ang bansa.


Ayon sa kanya, ang IP ay ang mga produkto ng kaisipan ng tao at katulad ng iba pang pag-aari, ito ay may karapatang dapat bigyan ng karampatang pagrespeto alinsunod sa Universal Declaration of Human Rights article 27 at 23.


Nakasaad sa Universal Declaration of Human Rights article 27 (2) na "Ang lahat ay may karapatan upang protektahan ang moral at materyal na interes buhat sa mga maka-agham, malikhaing gawa kung saan siya ang may-akda nito"; samantalang nakalathala naman sa artikulo 23 "Ang lahat na naghanapbuhay ay dapat makatanggap ng tamang kabayaran para masiguro na mapupunan nito ang pangangailangan niya at ang kaniyang pamilya."


"Ang goal ng event na ito ay upang matulungan ang Unibersidad ng [kaalaman sa] crafting the university copyright policy, makapagsulat ang mga estudyante nito ng mga akda at make a respect for copyright a part of their life," ani Buenaventura.


Samantala, tinalakay naman ni Eros Atalia, manunulat ng Cinemalaya 2011 entry na Ligo Na U, Lapit Na Me, ang malikhaing pagsusulat kabilang na ang mga maikling kuwento, tula, nobela at iba pa kung paano makakalikha nito.


"Art is a selective recreation of reality according to an artist's metaphysical value of judgement," wika ni Atalia.


Ayon sa kanya, iba't-iba ang pagkakaintindi natin sa realidad kaya maaari tayong makabuo ng isang malikhaing gawa mula sa mga ito. Kaugnay nito, hinimok niya na gumawa ng mga akda ang mga mag-aaral at propesor at dapat magkaroon ito ng karapatang-sipi.


Ang FILCOLS ay may 200 na miyembro para sa may-akda at manlilimbag. Ito ay nagbibigay ng seminar sa buong Pilipinas upang makaimpluwensiya sa mga tao para sa mga ginawang batas ukol sa karapatang-sipi at lumagda rin ito ng kasunduan sa 10 bansa na rerespeto sa mga karapatang-sipi ng Pilipinas.


Ang artikulo na ito ay isinulat ng FEU Advocate staff writer. Una itong nai-post sa FEU Advocate website. Inilagay ito sa filcols.blogspot.com nang may pahintulot.

No comments:

Post a Comment