Ang Alam Ko, Wala Akong Alam
Mahirap turuan ang taong sa palagay niya ay alam na niya ang lahat.
Ang taong “know-it-all” ay sapat ang alam este labis ang alam kaya hindi siya nakikinig sa ibang tao. Dahil sa tingin niya, siya lang ang dapat na pinakikinggan. Hindi siya nagbabasa ng isinulat ng iba. Dahil sa tingin niya, ang isinulat lang niya ang dapat basahin.
Ang karunungan mula sa taong “know-it-all” ay hindi puwedeng kuwestiyunin. Dapat daw itong tanggapin nang maluwag sa kalooban at nang may pagpapakumbaba.
Ito ang mga uri ng taong nakapaligid kay Socrates sa Athens noong 500 BC. Ito ang mga uri ng taong gusto niyang pupugin ng tanong para ma-expose. Oo, fossilized na sa history ng mundo ang mga taong ganito.
At nagsimula si Socrates sa pag-amin na ang alam niya sa sarili ay wala siyang alam. Mas maraming alam ang mga taong nasa paligid niya. Ang pag-amin na wala siyang alam ang nagdala sa kanya para magtanong nang magtanong nang magtanong sa mga taong “know-it-all.”
Ano ba ang tama? Ano ang makatarungan?
Dahil sa makulit na pagtatanong ni Socrates ay maraming know-it-all ang napahiya. Bakit? Kasi hindi naman pala ganon karami ang alam nila.
Ang iba ay nagalit dahil ang style ng pagtatanong ni Socrates ay nakaka-impluwensiya sa mga kabataan. Dumami ang mga hindi na basta naniniwala sa mga taong “know-it-all.”
Kinasuhan si Socrates ng mga lider ng Athens. Kinondena dahil sa salang “corrupting the minds of the youth.” Ang pagtuturo daw niya na magtanong at kuwestiyunin ang lahat sa paligid ay lason sa isip ng mga bata.
Sa halip na pumayag maipatapon sa ibang lugar ay tinanggap ni Socrates ang kamatayan. Gusto niyang ipakita sa mga “know-it-all” na handa siyang mamatay sa kanyang pinaniniwalaan.
Umiiyak ang mga kaibigan at kabataang tinuturuan ni Socrates nang inumim niya nang buong tapang ang isang kopita ng alak na may halo nang lason mula sa halamang hemlock.
Isa sa mga kabataang ito si Plato na siyang nagsulat ng mga aral at buhay ng kanyang guro. Dahil sa mga isinulat ni Plato, mas marami ang nakabasa at naka-intindi ng mga aral ni Socrates.
Nagtayo si Plato ng school at tinawag niya itong Academy. Si Socrates, si Plato, at ang akademya ang ninuno ng mga guro, paaralan at manunulat sa kasalukuyan. Sa murang edad ay tinuturuan na ang mga kabataan na magtanong nang magtanong nang magtanong.
Gusto mo bang matuto? Magpakumbaba at magsimula kang aminin sa sarili na sa totoo lang ay kulang na kulang pa ang iyong alam.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang-proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroong published works o may kapangyarihang mag-manage ng mga akda ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment