National Book Policy - Pagpapalaganap ng mga Akdang Gawa ng Filipino
Ayon sa RA 8047, ang National Book Policy ay “statement of the intention and philosophy of the State as a basis for the formulation and implementation of measures for the development, production, and distribution of books.”
Mahabang konsultasyon ang ginawa ng National Book Development Board para mabuo ang National Book Policy. Nagpunta sila sa mga rehiyon, nakipag-usap sa mga author, publisher, librarian, professor, journalist, at iba pang stakeholder ng industriya.
Sa bisa ng Executive Order No. 119 na ipinalabas ni Pres. Estrada noong July 4, 1999, pinagtibay at kinilala ang National Book Policy na opisyal na policy ng bansa pagdating sa book publishing industry.
Ano ang unang statement dito?
Dapat lumikha ang gobyerno ng pinakamagandang kondisyon para maipalaganap ang mga akdang Filipino. Kailangang gumawa ng mga bagong activity para mapalago ang industriya.
Hindi puwedeng puro seminars at talks na lang dahil magsasawa na rin ang mga participant.
Nakasaad din na dapat ay maka-develop ng mga bagong author na tututok sa pagsusulat ng mga paksang tulad ng local histories kung saan kakaunti lamang ang published materials. Kailangan ding ma-upgrade ang kakayahan ng mga author. Para magawa ito ay inatasan ang NBDB na manguna sa pagbuo ng partnerships sa iba’t ibang institusyon tulad ng DepEd, CHED, at mga stakeholder sa book publishing.
Dapat na maparami ang mga libro sa Filipino literature, heritage, at creative arts sa pamamagitan ng pagbibigay-suporta sa mga nais magsulat o gumawa ng libro.
Dapat na suportahan ang paglilimbag ng mga libro sa English at mga lengguwahe sa bansa.
Dapat na maparami ang Filipino authorship ng mga librong scientific at technical. Pati na rin ang pagsasalin sa mga lengguwahe sa bansa ng mga foreign-authored books.
Para lalong maparami ang akda mula sa mga rehiyon, dapat na may registration system at database ng mga manuscript na local at foreign. Kahit na “manuscripts” ang salitang ginamit sa halip sa finished works, malinaw na published books ang ibig sabihin dahil wala namang foreigner ang maglalabas ng manuscripts.
Dapat na magkaroon ng training ng mga author at students para makapagsulat sila ng mga akdang may local character at experience. Magagawa ito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga university sa mga rehiyon.
Dapat na bigyang-proteksiyon ang IP ng mga author at publisher sa pamamagitan ng collective reprography licensing. Dahil dito ay binuo ang FILCOLS.
Dapat na bigyang-pagkilala ang mga tao o organisasyon na tumulong sa pagpapaunlad ng industriya. Puwedeng maggawad ng pagkilala sa pamamagitan ng awards, prizes, at iba pang uri ng pagkilala.
Dapat na makapaghanap ng pondo para sa mga author at iba pang personnel ng industriya. Dahil dito ay isinulong ng NBDB ang pagpasa ng batas RA 9521 o ang National Book Development Trust Fund.
Dapat na maengganyo ang mga author na magbuo ng mga asosasyon na makakatulong sa pagbibigay sa kanila ng proteksiyon at sa pag-usbong ng mga bagong gawa.
Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para sa dagdag na kaalaman, bisitahin ang mga website: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment