Thursday, August 18, 2011

Buhay na Titik: Pagsali ng mga Pinoy sa International Book Fairs

ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS

 
Pagsali ng mga Pinoy sa International Book Fairs
 

Para lumago ang industriya ng paglilimbag ng libro, isa sa mga incentive na ibinibigay ng gobyerno sa mga author at publisher ay ang suporta para makasali ang mga ito sa international book fairs.

Papaanong lalago ang book publishing industry kung lalabas ng bansa ang mga publisher at author? Talaga bang kailangan ito? O lakwatsa lang naman talaga ang habol nila?

Isa sa mga paraan para matuto ang tao ay sa pamamagitan ng contact sa ibang tao. Tayo ay social creatures at kailangan nating makisalamuha sa iba para mas maging matalas ang ating isip. Dahil din sa pakikisalamuha ay nagkakaroon tayo ng mga bagong insight o bagong idea na makakatulong sa iba’t ibang parte ng ating buhay.

Ang contact sa ibang kultura ang siyang nagpapayaman sa mga sangkot sa contact. Halimbawa, ang kultura ng mga Pinoy ay naging matingkad dahil sa ating contact sa ibang bansa tulad ng Spain. At ang Spain naman ay may malawak na contact mula sa Roman Empire, Byzantine Empire, at iba pang sibilisasyon sa Mediterranean sea at Europe. May contact din tayo sa China, Indonesia, Thailand, at Japan.

Pero masasabi ring naging maganda ang kultura ng mga nasabing bansa dahil sa pakikisalamuha nila sa ating mga Pinoy. Ang mapayapang EDSA People Power ay naging inspirasyon para sa mga kilos-protesta sa Thailand. Na-export natin sa kanila ang peaceful mass protest.

Ang mga seryosong Hapon naman ay pinasaya ng Pinoy entertainers. Ang iba sa kanila ay nag-asawa ng mga Pinay. Malakas na impluwensiya ang mga Pinoy sa kanilang lipunan. At marami ring Japanese couples na dito sa atin nag-retiro dahil naakit sa ating magandang kultura.

Ganito rin ang nangyayari sa partisipasyon ng mga Pinoy author at publisher sa mga international event tulad ng mga book fair at literary festival.

Nakikilala ng mga foreigner ang mga akda sa Filipinas. At ang atin namang mga author at publisher ay nagkakaroon ng contact na nagpapayaman sa kanilang karanasan, nagbibigay ng bagong business model, gumigising sa bagong idea, at bumubuo ng mga bagong network.

Kapag pinagsama-sama ang mga ito ay nagdudulot ito ng bagong sigla sa ating book publishing industry. Siyempre kapag may bagong business model, may dahilan para makapagpalago ng negosyo, na dahilan para makapagbukas ng pinto para sa ating mga kababayang naghahanap ng trabaho. At ang trabaho ang siyang solusyon sa kahirapan.

Katuwang ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas maging malalim at malusog ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: www.filcols.blogspot.com at www.nbdb.gov.ph.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment