Batas tungkol sa Pagpapaunlad ng Book Publishing Industry ng Filipinas
Para mapaunlad ang kultura at kaalaman ng bansa, isang malusog na book publishing industry ang kailangan.
Kaya naman, para lalo pang mapalusog ang book publishing industry, nagtutulong-tulong ang iba’t ibang grupo para hikayatin ang mga mambabatas na aprubahan na ang mga nakabinbing batas sa Senate at sa House. Ito ang vitamins na kailangan ng book publishing industry.
Masugid na binantayan ng Association of Philippine Booksellers, Book Development Association of the Philippines, Book Suppliers Association of the Philippines, Philippine Educational Publishers Association at marami pang iba ang Senate Bill No. 252 at House Bill No. 12614.
Hiling ng mga grupo na i-privatize ang procurement ng mga teksbuk sa mga public school dahil ito ang pinakamalaking market ng libro sa bansa. Ang paglilimbag ng mga teksbuk para sa mga public high school ay dating hawak ng dalawang ahensiyang itinayo ni Marcos: ang Textbook Board (1979) at ang sumunod dito na Instructional Materials Corporation (1983).
Binuwag ni Pangulong Cory Aquino ang IMC noong 1991 at itinatag naman ang Instructional Materials Development Center sa bisa ng Executive Order No. 492.
Pero hindi pa rin lumusog-lusog ang book publishing industry natin dahil nag-aagawan ang mga publisher sa napakaliit na private school textbook market. Halos wala itong sustansiya dahil andami-dami nilang naghahati sa napakakonting pagkain. Kailangan nilang makasali sa public school textbook market para lalo pang lumaki ang mga kompanya at mas marami ang mabigyan ng trabaho. Kung maibibigay ito sa kanila, dadami ang pagkain na sasapat para sa bawat isa.
Pag-upo ni Pangulong Ramos, agad niyang ipinatupad ang pagsasapribado ng non-performing government assets. Kung kaya naman gawin ng private sector ang trabaho, dapat na hindi na ito pakialaman pa ng gobyerno. Kumbaga, mas maliit ang role ng gobyerno, mas efficient.
Kaya noong 7 June 1995, nilagdaan ni Pang. Ramos ang pinagsamang Senate at House bills na naging Republic Act 8047 o ang Book Publishing Industry Development Act. At binuksan ang public school textbook market sa mga private publisher. Ito ang privatization ng publishing ng public school textbooks.
Ang RA 8047 din ang nagtatag sa National Book Development Board (NBDB) na siyang “punong abala” sa pagpapalago ng book publishing industry natin. Ang ahensiya ay isang policy-making body. Siyempre kasali rin sa mga gawain nila ang pagpapalaganap ng pagbabasa, pagsusulat, at iba pang bagay na may koneksiyon sa libro.
Katuwang naman ng NBDB sa pagpapaunlad ng industriya ang FILCOLS. Para mas manatiling malusog ang inyong kaalaman tungkol dito, bisitahin ang websites naming: filcols.blogspot.com at nbdb.gov.ph.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.