Wednesday, June 8, 2011

Buhay na Titik: IPO PHL Vision 2020 - 3D IP

ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS


IPO PHL Vision 2020 - 3D IP


Masarap manonood ng pelikulang 3D dahil parang nasa loob ka mismo ng mga eksena, kasama mo ang mga bida at siyempre pati ang mga kontrabida. Pag nalaglag ang bida mula sa helicopter niya, parang ikaw na rin ang nalalaglag. Mapapakapit ka pa nga sa sarili mong upuan kung minsan.

Parehas ang 3D effect na ito (hindi ‘yong laglagan) sa vision ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL). Pagdating ng taong 2020 ay 3D na rin ang IP sa buong bansa. Ibig sabihin ng 3D ay demystified, development-oriented, at democratized IP system.

Alam natin na ang terminong 20/20 ay tawag ng mga doktor sa mga indibiduwal na malinaw ang paningin.

Gusto ng IPO PHL na pagdating ng taong 2020 ay 20/20 rin ang linaw ng pagtingin ng mga Pinoy at Pinay sa IP. Malinaw at 3D pa!

Bakit demystified IP? Ang IP ay madalas na nababangit lang pag me mga abogado sa paligid o kaya ay mga law student. Parang usual tsikahan lang nila ang mag-usap tungkol sa IP, pang-intellectual lang kaya etsa-puwera muna tayong mga mortal na tao.

Hangad ng IPOPHL na matunaw na nang lubusan ang mystery sa IP at maipaliwanag ito nang simple sa mga simpleng tao rin. Tutal ang IP naman talaga ay malapit sa atin, ika nga IP is everywhere.

Kaya naman, nagsasagawa ang IPOPHL ng mga libreng seminar para ipaliwanag sa ordinaryong tao ang Patents, Trademarks, at Copyright. Ang mga copyright-based organization tulad ng FILCOLS o Filipinas Copyright Licensing Society ay may free seminars din na “IP Made E-Z” at ka-partner nito ang Copyright Support Services ng IPOPHL.

Bakit development-oriented? Dahil nakatali sa batas at mga procedure ang mga abogado, madalas na nangyayari pagdating sa IP ang litigation o pagdadala sa korte ng mga ilegal na gawaing may kinalaman sa IP. Dahil mahaba at matagal ang litigation, nakatali ang lahat sa usapin sa korte.

Hangad ng IPOPHL na makapokus sa pag-usad at pag-unlad. Ibig sabihin, dapat lang na maging mas bibo pa ang nabanggit na ahensiya sa development aspects ng IP. Dahil ang development ay prosesong dinamiko tungo sa pagiging mas mahusay.

Halimbawa, upang mapabilis ang resolutions ng mga IP conflict na nakatengga sa mga korte ay nagtayo ng mekanismo ang IPOPHL. Ito ay ang mediation proceedings. Pinakahuling nasolusyunan sa pamamagitan ng mediation ay ang 4 na taong kaso ng kainan na Binalot vs. Nid’s Binalot. Sa loob lamang nang halos dalawang buwan ay natapos ang kaso at pumayag ang Nid’s Binalot na palitan ang kanilang pangalan dahil nauna at mas may karapatan ang Binalot sa trade name nito.

Bakit democratized? Ibig sabihin ang IP ay para sa lahat at dapat abot ng lahat ng Pinoy at Pinay. Hep, hindi lang ng mga taga-Maynila kundi ng lahat ng nasa Filipinas. Dahil dito ay nagtayo ang IPOPHL ng mga regional office para hindi na magastusan pa ang mga tao na nais magparehistro ng patent, trademark, at kanilang mga copyrighted work sa pagluwas sa Maynila. Ang mga regional office ay matatagpuan sa Angeles City, Baguio City, Cagayan de Oro City, Cebu City, Davao City, General Santos City, Iloilo City, at Legazpi City.

Isa ang FILCOLS sa masisipag na katuwang ng IPOPHL sa pagpapalaganap at pagpapaliwanag ng IP sa ating mga kababayan. Upang madagdagan ang inyong kaalaman at makasama ka sa 3D IP, bisitahin ang websites namin: filcols.blogspot.com at ipophil.gov.ph.

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com

No comments:

Post a Comment