IPOPHL Strategic Goals para sa Vision 2020 - 3D IP
Ano-ano ang mga strategic goal ng Intellectual Property of the Philippines o IPOPHL para matupad ang vision nitong 3D IP sa 2020?
1. Ang makapagbigay ng de kalidad at nasa takdang oras na mga registration tulad ng patent at trademark. Kung mabilis ang pagbibigay ng mga patent at trademark, hindi na maghintay nang matagal ang mga applicant-rightsholder. Mapapakinabangan nila agad ang kanilang ipina-register.
2. Ang makapagbigay ng mabilis, de kalidad, at epektibong legal remedies sa mga usaping IP. Bubuksan nito ang pinto ng ahensiya bilang preferred na venue kung saan ang mga gusot at usaping IP ay mabilis na napa-plantsa, naitutuwid o di kaya ay nabibigyang-solusyon. Hindi na kailangan pang magdusa sa paghihintay sa desisyon mula sa korte. Para mabilis na ma-solve ang mga gusot sa IP, nag-formulate ang IPOPHL ng mediation proceedings.
3. Ang makapagbigay ng mga serbisyong tutulong sa paglago ng negosyong IP at sa mabilis na technology transfer. Patuloy ang IPOPHL sa pagbibigay ng training sa mga kinatawan ng mga unibersidad para mas madali nilang ma-develop ang kanilang mga inimbento at makapagtayo agad ng negosyo.
4. Ang makapagtatag ng Bureau of Copyright. Magaganap ito sa tulong ng pag-aamyenda sa IP Code of the Philippines. Sa kasalukuyan, ang mga usapin ukol sa copyright ay nahahati sa National Library, National Book Development Board, at sa Copyright Support Services ng IPOPHL. Hindi centralized, ika nga.
5. Ang maengganyo ang lahat ng mga Pinoy at Pinay na pahalagahan, respetuhin, at gamitin nang tama ang IP. Kasama na rito ang pagtangkilik sa mga gawang Pinoy at pag-iwas sa paggamit at pagbili ng mga piniratang produkto.
6. Ang manguna sa pagsusulong ng mga pagbabago sa legal at policy infrastructures. Ito ay para maging updated ang IP system kasabay ng mga pagbabago sa loob at labas ng bansa. Dahil mabilis ang pagbabago sa teknolohiya, dapat ay mabilis ding nakakaagapay ang pagbabago sa batas.
7. Ang magdagdag ng pagpapahalaga sa mga kawani ng IPOPHL at sa isang magandang work environment. Malaki ang epekto ng mga tao at ang kanilang paligid sa kalidad ng serbisyo at sa pagdadala ng mensaheng IP sa publiko.
Naniniwala ang FILCOLS sa halaga ng IP at sa kakayahan nitong iangat pa ang bansa. Siyempre kapag maunlad ang mga IP-related industry ay mas marami ang magkakatrabaho. Para mas lumalim ang iyong kaalaman, bisitahin ang websites namin: filcols.blogspot.com at ipophil.gov.ph.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment