IP Code of the Philippines
Binuo ang Intellectual Property Code of the Philippines upang maging angkop ang ating batas sa pagdating ng mga bagong teknolohiya tulad ng computer softwares at mga bagong International Laws tulad ng WIPO Internet Treaties.
Mas kilala bilang IP Code, ito ay inaprubahan ng Kongreso noong June 6, 1997. Ang IP Code ay mula sa dalawang pinagsamang panukalang batas. Ito ang Senate Bill No. 1719 na pumasa sa Senado noong June 4, 1997 at ang House Bill No. 8098 na pumasa sa House of Representatives noong June 5, 1997.
Nagkabisa ito bilang batas noong Jan. 1, 1998. Ibig sabihin lahat ng mga naunang batas ukol sa IP ay wala nang bisa. Tulad ng Republic Act 165, ang batas na nagtayo ng Patent Office noon pang 1947! At ang Presidential Decrees ni Marcos noong 1970s.
Ang IP Code ang siyang nagtatag sa Intellectual Property Office of the Philippines. Ang ahensiyang ito ng gobyerno ang “master” pagdating sa pagpapatupad ng IP Code sa ating bansa.
Nakapaloob sa IP Code ang Law on Patents; Law on Trademarks, Service Marks, and Trade Names; at ang Law on Copyright.
Sa loob ng ahensiya ay bumuo rin ng Bureau of Patents at Bureau of Trademarks. Ang dalawang ito ang siyang tumatanggap ng mga application mula sa nais magparehistro ng kanilang mga imbensiyon o tatak na ginagamit sa negosyo. Siyempre kasama sa trabaho ng dalawang bureau na ito ang mag-research o mag-usisa sa mga application, magbigay ng mga sertipiko o katibayan, at magsumite ng mga panukala para mapaganda pa ang takbo ng ahensiya at para mapaganda pa ang batas.
Bilang tugon sa mga concern sa Copyright, nagtayo rin ng Copyright Support Services Unit ang ahensiya. Ang grupong ito ang tumutulong na malutas ang mga problema ng iba’t ibang Copyright-based sectors.
Katuwang nila ang National Library at ang National Book Development Board sa pagbibigay-serbisyo sa authors, publishers, at copyright-related organizations.
Mahalaga ang papel ng IP Code at ng IP Office of the Philippines dahil sila ang nasa front line para makarating ang Pilipinas sa makabago at mas epektibong daan sa pag-unlad: ang IP bilang economic driver.
Di tulad noon na lupa ang source of wealth, ang mga IP tulad ng software, movies, music, medicines, electronic gadgets, at books ang pinagmumulan ng kita ng mauunlad na bansa ngayon.
Oo, kasama rito ang mga libro dahil ang mga bagong nobela ang nagbibigay-daan sa paggawa ng mga bagong pelikula tulad ng Harry Potter series, Twilight series, at Diary of a Wimpy Kid series. Maliban sa kita sa pisikal na libro ay may kita rin sa movie versions.
Isipin na lang natin kung may Pinoy author na makakasulat ng mga bagong nobelang maibebenta sa buong mundo at gagawing pelikula na panonoorin sa buong mundo, maraming Pinoy at Pinay ang magkakaroon ng trabaho dahil dito.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment