World Intellectual Property Day
Alam mo ba na ang intellectual property (IP) ay sumasaklaw sa ating buong buhay?
IP is everywhere.
Bago ka lumabas ng bahay ay naliligo at nagtu-toothbrush ka. (Dapat lang kung hindi ay huhulihin ka ni Mamang Pulis dahil sa pagkakaroon ng bawal na paputok). Ang shampoo mo ay IP. Ang pangalan nito ay pinag-isipan at naka-rehistro bilang trademark. Ang formula nito para makatanggal ng balakubak ay bunga rin ng isip ng mga imbentor at naka-rehistro naman bilang patent. Ang disenyo o art work sa label ay mula sa mga malikhaing artist at napoprotektahan sila ng copyright.
Ang IP ay mga creation of the human mind. Ang pangmumog mo para fresh breath ka ay IP. Ang inilalagay mo sa kilikili para labanan ang anghit ay IP. Ang ipinapahid mo sa balat para mawala ang buni ay IP. Ang pampaputi ni Mommy ay IP. Ang milk formula ni Baby ay IP. Ang alak ni Daddy ay IP rin. IP ang music, pelikula, at TV shows na tinatangkilik ng biyenan mo. Ang libro para ka matuto ay IP. Ang sasakyan, building, TV, ref, radio, computer, cellphone ay IP.
Kaya nga IP is everywhere.
Mula umaga hanggang gabi ay pinagagaan ng IP ang buhay mo. Inaaliw at tinuturuan ka ng IP.
Nakapaloob sa IP ang patent, trademark, at copyright. Ito ang tatlong pangunahing pangkat ng IP. Ang patent ay ibinibigay sa mga imbensiyon o proseso na solusyon sa problema ng tao. Ang trademark ay proteksiyon para sa mga tatak ng produkto. Servicemark naman para sa mga service. At copyright ang proteksiyon ng batas para sa mga libro, music, pelikula, at iba pang masining na gawa.
Ang IP ay nakakapagbigay ng trabaho sa maraming tao. Halimbawa, ang Visprint ay dating taga-imprenta ng mga resibo at calling card sa Recto. Konti lang ang tanggap nilang trabaho kaya konti lang ang tauhan nila.
Dahil sa mga libro ni Bob Ong ay lumaki ang kanilang operasyon, nagbigay ito ng trabaho sa maraming tao, at nakapagtayo ng mas magandang opisina sa Pasay. Marami sa kanilang mga tauhan ay mula pa sa Pampanga, ang hometown ng may-ari ng Visprint.
Ang mga negosyong naitayo dahil sa IP ay nakakapagbayad ng buwis na ginagamit ng gobyerno sa basic services tulad ng mga health center, bagong tulay, at pagpapaaral nang libre sa mga pampublikong paaralan tulad ng University of the Philippines.
Isa sa pagpapahalaga sa IP ay ang di pagtangkilik sa mga peke o pirated na produkto. Ang mga namimirata ay gumagawa ng produktong walang permit ng may-ari ng IP. Ibig sabihin ninanakaw nila ang IP ng iba. Kapag peke ang binili mo, ang kumikita ay ang nagnakaw ng IP.
Kung ang mga libro ni Bob Ong ay ipapa-photocopy mo bilang “book alike,” mawawalan ng kita hindi lang ang author kundi ang publisher na Visprint. Dahil walang kita ang publisher ay wala silang maipapasuweldo sa mga tauhan nila. Na magiging dahilan para mag-lay-off at pauwiin na lang nila ang mga tauhan sa Pampanga.
Sabi nga, “piracy is a job killer, a business killer.”
Dahil dito ay wala ring buwis na maibabayad sa gobyerno kaya hihina o lalong kakaunti ang serbisyo para sa mga may sakit, walang pangkumpuni ng tulay, mawawalan ng pantustos sa mga public school. Kakaunti ang kayang papag-aralin sa UP.
Simula noong 2001, itinalaga ng World Intellectual Property Organization (WIPO) ang Abril 26 bilang World Intellectual Property Day. Ang layon ng pagdiriwang ay maiangat ang awareness ng mga tao sa papel ng IP sa pang-araw-araw na buhay at maipakita ang halaga ng kontribusyon ng authors at inventors sa pag-unlad ng bayan.
At ngayong alam mo nang ang IP ay mahalagang parte ng ating buhay at ng ating bayan, hikayatin mo ang biyenan mong bumili lang ng genuine products. Para marami siyang mapag-aral sa UP at iba pang government funded na paaralan.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment