Buhay na Titik
ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS
Ang mga makata sa buong mundo ay may dahilan para magpakita ng kanilang galing. Kaisa nila ang mga makata sa mula sa iba pang bansa sa pagdiriwang ng World Poetry Day.
Noong 1999, itinalaga ng UNESCO o United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization ang Marso 21 bilang araw ng pagdiriwang ng panulaan.
Ang proklamasyon ay pagkilala sa halaga ng tula sa sining at pagpupugay sa sinabi ng isang sikat na pintor sa France na si Eugene Delacroix, “There is no art without poetry.”
Mahalaga ang tula sapagkat nabibigyang-buhay nito sa pamamagitan ng tekso at salita ang hinaing ng sangkatauhan. Naipapakita ng pintor ang kanyang saloobin sa pamamagitan ng kulay, hugis, at brush strokes. Ang tula ay dapat na nakasulat. Makukumpleto lamang ang pagpapahayag ng saloobin ng makata kung ito ay babasahin at bibigkasin na. Tama si Delacroix. Walang sining kung walang tula.
Sa panahong marami na ang umaagaw ng atensiyon ng tao lalo na ng mga kabataan, ang tula ay nagbibigay-tinig sa saloobin ng tao, nagbibigay-daan para muli niyang saliksikin ang sarili, at tingnan ang kanyang pinag-ugatan. Ang taong kilala ang pinagmulan ay hindi basta-basta nadadarang ng mga propaganda. Nahahasa ang kanyang isip at nagkakaroon ng critical thinking na tumutulong para mapaglimian niya ang mga pagpipilian niya at para makapagdesisyon nang tama.
Ang tula ay nagbibigay din ng challenge sa mga makata na magpahayag ng kanilang damdamin, magpakita ng pagiging malikhain, at maging orihinal. Ibig sabihin ay ang pag-iwas sa pagkopya na lamang sa iba. Sapagkat ang saloobin ng bawat tao ay madalas na magkakaiba.
Ang pagkakaroon ng mga poetry reading na kalimitang nagaganap pagsapit ng gabi ay isang pagbabalik sa ating oral tradition o live performance kung saan ang halos lahat ng kasapi ng bawat pangkat ay nakapalibot sa nagsasayaw na bonfire, magkakatabi ang bawat isa, at buong-buo ang atensiyon sa pakikinig sa bawat salitang nagmumula sa nagkukuwento o tumutula.
Ayon sa UNESCO, mahalagang maibalik ito dahil ang oral tradition at pagsasalita ay kailangan ng tao sa kanyang “socialization” o pakikipagtalastasan. Ito rin ay para mabuo ang indibidwal sa tulong ng komunidad o kapangkat.
Isa sa mahahalagang panawagan ng UNESCO sa mga bansang nagdiriwang ng World Poetry Day ay ang pagbibigay-suporta para lalong dumami pa ang mga batang makata, at ang pagtataguyod sa mga “small publisher” na naglilimbag ng koleksiyon ng mga tula ng bago o batang makata. Mahalaga ang small publishers sapagkat hindi lahat ng akda ay ipina-publish ng mga sikat at malalaking publisher.
Sa ating bansa, maraming poetry readings at poets’ groups. Isa sa pinakamatagal at pinakatagumpay ay ang LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo. Ito ay pinasimulan ni Virgilio S. Almario, National Artist for Literature. Taon-taon ay mayroon silang palihan para sa mga bagong makata. Dito hinahasa ang talim ng pananalinghaga ng bawat isa.
Interesado ka na bang tumula? Ano pa ang hinihintay mo? Magsulat na’t bumigkas. ‘Yan ang mga unang hakbang sa pagiging makata.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment