Copyright at ang Malikhaing Unggoy
Alam mo bang may mga malikhaing unggoy?
Ang chimpanzee na isang uri ng unggoy ay gumagamit ng maninipis na tangkay ng halaman para ma-scoop ang mga langgam mula sa isang lungga. Isinusuksok ng unggoy ang tangkay sa lungga para doon kumapit ang mga langgam. Madali na niyang makakain ang mga langgam sa ganitong paraan. Para lang itong lumalantak ng kebab. Ang mga langgam ang paboritong merienda ng chimpanzee.
Hindi naging balakid ang pagtatago ng mga langgam sa lungga. Sa halip, ito pa ang nagtulak sa unggoy para maging malikhain sa pag-isip ng paraan para makuha ang kanyang pinaglalawayang merienda.
Ano ang kinalaman ng unggoy sa column na ito na tungkol sa copyright? Teka, ano nga ulit ang copyright?
Ang copyright ay isang bundle of rights na ibinigay ng batas bilang proteksiyon sa mga awtor. Ang bungkos ng karapatan ay binubuo ng reproduction, translation, adaptation, performance, at broadcasting. Ang mga karapatang ito ay eksklusibo lamang sa awtor.
Papaano kung gusto mong magsulat batay sa isang akda na isinulat ng ibang awtor? Halimbawa: si Steven Vander Ark ay isang fan na gustong mag-publish ng Harry Potter Lexicon, isang uri ng dictionary na nakabatay sa Harry Potter book series. Kinuha niya mula sa Harry Potter book series ang mga pangalan ng sarisaring tauhan, lugar, magic spells, magic creatures at iniayos niya ang mga ito alphabetically. Ang mga depinisyon at paliwanag ng bawat termino ay kinuha rin niya sa Harry Potter book series at sa iba pang mga aklat na isinulat ni JK Rowling, ang awtor ng Harry Potter book series.
Ano ang balak ni Steven Vander Ark sa dictionary niya? E, di ibenta ito para kumita nang malaki. Ayos? Hindi. Kasi hindi pumayag si Rowling. Umabot sa korte ang di nila pagkakasundo. Si Rowling ang pinaburan ng korte. Talo si Vander Ark.
Bakit? Ang tawag kasi dito sa ginawa ni Steven Vander Ark ay derivative work. Ibig sabihin, hinango lang niya ang impormasyon sa orihinal na mga gawa ni Rowling at iniayos ang mga ito para magmukhang dictionary. E, ang awtor lamang ang may kapangyarihang magbigay-pahintulot o pumigil sa nais gumawa ng isang derivative work.
At hindi naman nagpaalam itong si Vander Ark kay Rowling.
Bakit hindi ito pinapayagan ng batas? Dahil violation ito ng karapatan ng awtor. Parang ganito. Me extra space pa sa apartment ng biyenan mo kaya pinaupahan mo naman sa pinsan ng kapatid ng kaibigan mo. Tama ba ito? Siyempre hindi. Dahil iniisahan mo na naman ang biyenan mo.
Maging malikhain ka na lang tulad ng unggoy para kumita sa marangal na paraan.
Maraming tao ang nagrereklamo na hindi raw sila makagawa ng akda at napipigilan ang kanilang pagiging malikhain dahil sa mga balakid na dulot ng copyright. Ayon sa kanila dapat nang isantabi ang copyright at hayaan na lamang na gamitin nang walang pahintulot ang mga akda ng sinumang awtor.
Ganito ang pananaw ng fan at aspiring author na si Vander Ark. At sa palagay ko ay nagdadahilan lamang siya at ang mga tulad niya sa kanilang katamarang maging malikhain at paganahin ang imahinasyon. Mabuti pa ang unggoy, hindi iniinda ang balakid, sa halip ay nilampasan niya ito sa malikhaing paraan.
Ang tunay na malikhain ay hindi mapipigilan ng mga balakid sa paglikha ng mga akda. Mas nagiging malikot ang kanyang isip, lumalalim ang pagtingin, at tumatalas ang mata sa paglikha kaya’t ang kanyang mga akda ay kadalasang mas maganda sa nauna. Alam naman nating lahat na mas magaling ka sa unggoy, kaya ‘wag na ‘wag magpapatalo sa anumang balakid.
Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang magmanage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment