Patent para sa Layout Design ng Integrated Circuits
Ang mga orihinal na likhang nagmula sa isip ng tao ay tinatawag na Intellectual Property o IP. Ang dalawang sangay nito ay ang copyright at ang industrial property. Sa ilalim ng industrial property, ay may karapatan na kung tawagin ay patent. Ito ay karapatang ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga imbentor.
Ano ang nag-uugnay sa mga electronic gadget gaya ng Playstation, cellphone, at laptop sa fuel injected na kotse, PCOS machines, at space shuttle sa isa’t isa?
Lahat ng mga nabanggit ay gumagamit ng microchips. Ang microchips o integrated circuits o IC ay ang mga piyesang nagpapatakbo sa nabanggit na electronic gadgets at machines.
Bago ang microchips, maraming vacuum tubes ang ginagamit para gumana ang isang gamit tulad ng TV. Butingtingin mo ang TV ng biyenan mo at makikita mo ang mga tubo sa loob nito.
Mabilis uminit at malakas sa kuryente ang vacuum tubes kaya pinalitan ito ng mas maliit na transistors. Ang mga piyesang ito ay parang maliliit na uod na makulay ang katawan. Butingtingin mo naman ang radyo ng biyenan mo at makikita mo ang mala-uod na transistors.
Ang pagsasama-sama o integrasyon ng transistors sa isang maliit na chip ang siyang nagpabago nang tuluyan sa electronic gadgets at machines. Ang isang chip na kasinlaki ng selyo ay maaaring maglaman ng milyon-milyong transistors. Ito ang dahilan kung bakit ang isang pagkaliit-liit na cellphone ay nagagamit sa pagtawag sa ibang telepono, sa pakikinig ng radyo, sa panonood ng video, sa pag-plus, minus, times at divide bilang calculator at sa pagkuha ng pictures. Kaya din ng cellphone na maglaman ng maraming datos tulad ng pangalan, mensahe, retrato, video, audio, at iba pa.
Binibigyan ng patent ang disenyo ng IC na may bisa ng sampung taon. Ang pagkakalatag o disenyo ng IC ang siyang nagbibigay ng kakaibang performance sa gadget o mga gamit. Mahaba ang buhay ng microchips at matipid pa sa pagkonsumo ng kuryente.
Sa loob ng sampung taon ang may-ari lamang ng patent ang awtorisadong gumawa nito. Maaari ding ibigay niya sa iba ang awtorisasyon na gumawa nito. Pero ang patent para sa disenyo ng mga IC ay hindi na maaaring i-renew paglampas ng sampung taon. Maaari na itong gamitin o kopyahin ng iba.
Dahil sa mga IC, tuluyan nang nagbago ang ating mundo. Naging mabilis at laganap ang impormasyon at komunikasyon. (Pati na rin ang maling impormasyon at miscommunication.) Dahil sa cellphone, natipon ang mga tao sa EDSA para mapabagsak ang isang pamahalaang bulok. Dahil sa mga bagong gadget, maraming trabaho ang nalikha at maraming pamilya ang nakinabang. Dahil sa PCOS machines, naging mabilis at kapani-paniwala ang resulta ng halalan sa bansa. Ilan lamang ito sa kayang gawin ng mga IC.
Ang patent para sa mga bagong uri ng halaman naman ang tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment