ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS
Proteksiyon para sa mga Bagong Uri ng Halaman
Bakit paboritong ihalo ng iyong biyenan sa sinigang na baboy si Django? Teka, hindi si Django Bustamante na manlalaro ng bilyar. Ang tinutukoy ko pala ay ang Django na isang uri ng sili.
Kabilang ang Django sili sa mga bagong uri ng halaman na ini-apply ng breeder nito sa tanggapan ng Plant Variety Protection Office upang mabigyan ng sertipikasyon at proteksiyon ng gobyerno. Ang sertipikasyon ay ibinibigay sa mga halamang panlupa at pandagat na dapat na bago, kakaiba sa karaniwan, uniform, at stable.
Ibig sabihin ang halamang na-breed ng magsasaka o empleyado ng kumpanya ay dapat na bago o hindi pa naibebenta sa merkado. Ito ay may mga katagian na kakaiba sa karaniwang halaman sa merkado. Dapat ding uniform ito o ang halaman ay pare-pareho ang kulay o hugis. Dapat na stable o ang mga katangian nito ay hindi pabagu-bago kahit na matagal ng pino-propagate. Ibibigay lamang ang sertipikasyon kapag pumasa sa apat na panuntunan ang halaman.
Ang pagkilala at pagbibigay proteksiyon sa mga bagong uri ng halaman ay naging batas lamang sa pamamagitan ng Republic Act 9168 o Philippine Plant Variety Protection Act of 2002.
Ang mga bagong uri ng halaman ay likhang nagmula sa talino ng mga breeders tulad ng mga magsasaka, hobbyists, o kumpanyang pang-agrikultura. Ito ay uri din ng Intellectual Property o IP kaya dapat na respetuhin at bigyan ng karampatang proteksiyon.
Para sa mga puno at gumagapang na halaman ang proteksiyon ay 25 taon. Samantala 20 taon naman ang ibinibigay na proteksiyon sa ibang halaman tulad ng Django sili.
Kaya sa susunod na alukin ka ng iyong biyenan ng Diamante at Sweet Ruby ay wag mong isiping binibigyan ka ng mamahalin at matatamis na mga alahas. Ang Diamante ay bagong uri ng kamatis at ang Sweet Ruby ay bagong uri ng pakwan. Pinapipili ka lang ng biyenan mo ng panghimagas matapos mong kumain ng sinigang.
Ang Django sili, Diamante kamatis, at Sweet Ruby pakwan ay mga IP ng East-West Seed Company ng San Rafael, Bulacan. Ang trademark at service mark naman ang tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment