Kakaibang Tatak ang Trademark
Alin sa dalawang t-shirt ang pipiliin mo? Ang may tatak na Bench o ang may tatak na Belch? Katulad ng maraming Pinoy, mas pipiliin mo ang may tatak na Bench dahil alam mong mataas ang kalidad ng produktong nagmumula sa kompanya ng damit na itinatag ng negosyanteng si Ben Chan noong 1987. Ang kakaibang tatak ay ginagamit para maiangat ang produkto mula sa hanay ng kaparehong produkto (tulad nga ng t-shirt).
Ang pangalang “Bench,” ang kakaibang estilo ng puting letra nito, at pulang background na parihaba ay binibigyan ng proteksiyon ng batas dahil rehistrado ito bilang trademark. Ang trademark o tatak ng produkto ay maaari ding kombinasyon ng mga kakaibang palatandaan, simbolo, pangalan, hugis, at kulay na inilalagay sa mga produkto.
Service mark naman ang tawag sa tatak ng serbisyo. Gumagamit ng service mark ang negosyong service-oriented tulad ng LBC, Philippine Airlines, at GMA 7. Sampung taon ang proteksiyong ibinibigay ng batas sa may-ari ng isang trademark. Maaaring i-renew ang trademark kada sampung taon. Ang trademark at service mark ay nakapailalim sa industrial property na isa sa mga sangay ng Intellectual Property (IP).
Ang mga likhang nagmumula sa isip ng tao ay tinatawag na IP at binibigyan ng karampatang proteksiyon ng gobyerno para lalo pang maengganyo ang mga tao sa paggawa ng mga bagong likha. Kailangan natin ang proteksiyong dulot ng trademark para maiwasan ang di patas na kompetisyon mula sa mga kompanyang kumokopya lang ng trademark ng iba. Ang mga kompanyang ito, itago natin sila sa tawag na mga pirata, ay walang habas sa paglalagay ng tatak ng mga kilalang trademark tulad ng Bench sa kanilang mga damit o produkto. Pinupuksa ng gobyerno ang mga piratang ito sa pamamagitan ng mga raid at pagsasampa ng karampatang kaso.
Ang pamimirata ay isang uri ng panloloko. Nagbabayad ang mamimili ng totoong pera pero peke naman pala ang produktong nabibili nila. Dahil sa mataas na kalidad, magagandang imahen, at abot-kayang halaga ng mga produkto ng Bench, lumago ang negosyong ito at mas marami ang nabigyan ng trabaho. Kapag hinayaan ng may-ari ng trademark, tulad ng Bench, ang paglaganap ng mga pirata at pekeng produkto at kapag walang suporta ang gobyerno para maprotektahan ang trademark nito, darating ang panahon na wala nang kikitain ang lehitimong kompanya.
Ang pagbaba ng kita ay madalas na nagreresulta sa pagkalugi at di maglalaon ay sa pagbabawas at pagtatanggal ng mga empleyado (dahil hindi na sila mapapasuweldo.) Marami tayong pakinabang sa mga lehitimong negosyo. Bukod sa nakakapagbigay ito ng trabaho sa atin, nagbabayad din ito ng tax sa gobyerno. At ang tax ang pinagmumulan ng perang ginagastos ng gobyerno para tayo ay mapaglingkuran. Ang mga pirata naman lumalabag na nga sa batas, hindi pa nagbabayad ng tax.
Ang pagtangkilik sa sariling atin ay nakakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya at pagbibigay ng hanapbuhay sa ating mga kababayan. Kaya sa susunod na bibili ka ng t-shirt, piliin mo ang tatak-Pinoy. Siguruhin mo ring orig ang bibilhin mo. Produktong Pinoy na orig, okey?
Ang geographical indication naman ang tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Buhay na Titik. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment