Proteksiyon sa Geographical Indication
Geographical indication ang tawag sa mga simbolo, pangalan, o tatak na nagpapakilalang galing sa iisang lugar ang isang partikular na produkto.
Ang taglay na talino, pagkamalikhain, at kasanayan ng mga tao sa isang lugar ay siyang pinagmumulan ng mga produktong may mataas na kalidad at may kakaibang uri. Halimbawa, ang Marikinaay sikat sa mga sapatos na matibay at maganda. Ang mga pagawaan ng sapatos na nasa Marikina lamang ang may karapatang maglagay ng tatak, simbolo, o pangalang nagsasabing ito nga ay “Made in Marikina.”
Tinatangkilik ng mga mamimili ang produkto dahil sa ang lugar na pinanggalingan nito ay kilala sa nasabing produkto.
Maraming mga mamimili ang talagang nagsasadya pa sa isang lugar dahil sa produkto nito. Halimbawa, dumarayo pa ang iyong biyenang babae sa Liliw, Laguna upang makabili ng magagandang tsinelas nito.
Panloloko sa mamimili ang pagsasabing gawa sa Marikina ang sapatos o sa Liliw ang tsinelas kung hindi naman talaga ginawa ang mga ito doon.
Dahil ang sapatos ng Marikina at tsinelas ng Liliw ay produkto ng mga tao roon at siya nilang ikinabubuhay, dapat na bigyan ito ng karampatang proteksiyon ng gobyerno.
Ang mga produktong ito ay binibigyan ng Intellectual Property Office of the Philippines ng proteksiyon bilang trademark. Ang trademark ay may proteksiyong nagtatagal nang sampung taon at maaaring i-renew kada sampung taon.
Dapat iparehistro ng may-ari ng produkto ang kanyang trademark sa nasabing tanggapan ng gobyerno.
Kapag hindi binigyang-proteksiyon ng gobyerno ang mga kabuhayan ng ating mga kababayan sa Marikina, Liliw, at iba pa, malaki ang tsansang bumagsak ang negosyo doon. Ito ay magdudulot ng malawakang pagkawala ng trabaho, pagkawala ng magbabayad ng buwis, at pagtaas ng kriminalidad.
Ang appellation of origin naman ang tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.
No comments:
Post a Comment