Sa pakikipagtulungan ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) at ng Kagawaran ng Filipino ng Paaralan ng Humanidades ng Ateneo de Manila University, nag-aanyaya ang Filipinas Institute of Translation (FIT) sa mga iskolar, guro, at masusugid na tagapagtaguyod ng wika na magpása ng abstrak para sa gaganaping “AMBAGAN 2013: Kumperensiya sa Paglikom ng iba’t ibang Salita mula sa mga Wika sa Filipinas” sa ika-25, 26, at 27 ng Hulyo 2013 sa Ateneo de Manila University.
Ang proyektong AMBAGAN ay proyekto ng FIT na ginaganap tuwing ikalawang taon mula noong 2009. Ang pinakaunang kumprensiya nito ay ginanap noong ika-5 at 6 ng Marso 2009 na kinatampukan ng mga panayam ng mga eksperto hinggil sa mga salita mula sa mga wikang Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Ilokano, Ifugao, Kinaray-a, Magindanaw, Maranao, Kapampangan, Pangasinan, Tagalog, Tausug, at Waray. Kumikilala at tumatalima ang proyektong ito sa probisyong pangwika sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng Konstitusyon ng Filipinas na nagsasabing “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.” Nagpapanukala ito ng isang estratehiya sa pagpapayaman ng wikang Filipino—ang paghalaw mula sa kaban ng bokabularyo ng iba’t ibang wika sa Filipinas upang ilahok sa korpus ng wikang pambansa.
Isang magandang halimbawa ng salita mula sa isang umiiral na wika sa Filipinas ang pay-yo (may varyant na payaw at payew) ng mga taga-Cordillera. Sa mahabang panahon, karaniwang mababása sa mga teksbuk sa araling panlipunan ang bansag na rice terraces o hagdan-hagdang palayan para tukuyin ang ehemplong ito ng katutubong teknolohiyang pang-agrikultura. Kamakailan na lamang naging popular ang paggamit ng salitang pay-yo dahil na rin sa pagtatampok sa konsepto ng wikang Filipino bilang wikang patuloy na nililinang batay sa iba’t ibang wika sa Filipinas.
Ang mga salitang tulad ng pay-yo ay hindi lamang mahalaga dahil sa pagbibigay sa atin nito ng pantumbas sa mga konseptong karaniwang ipinahahayag natin sa wikang banyaga. Higit na makabuluhang itampok ito upang tuluyan at ganap na makilala natin ang ating mga kapatid sa iba’t ibang panig ng bansa at makilala natin ang ating sarili bilang mga Filipino.
Sa pagpapása ng abstrak na hindi lalabis sa 300 salita, kailangang maghanay ang mananaliksik ng mga salitang may natatanging kahulugan sa kultura at kasaysayan ng pinagmumulang etnolingguwistikong pangkat. Kailangang maipaliwanag ang metodong gagamitin sa pangangalap, pagpapakahulugan, at pagbibigay ng halimbawang gamit sa pangungusap o karaniwang pag-uusap. Kailangan ding mapangatwiranan kung bakit mahalagang maging bahagi ng korpus ng Pambansang Wika ang mga salitang ito.
Ang huling araw ng pagpapása ng abstrak ay sa ika-15 ng Pebrero 2013. Ipadala ito kalakip ang pangalan at institusyong kinabibilangan o kinauugnayan ng nagpadala kay Dr. Michael M. Coroza, Direktor ng Ambagan 2013, sa email adres na ito: mcoroza@ateneo.edu. Pormal na ipababatid kung natanggap ang inihaing abstrak sa ika-28 ng Pebrero 2013. Kapag natanggap, dapat na masulat at maipása ang buong papel sa ika-30 ng Abril 2013.
Para sa iba pang detalye o mga katanungan hinggil sa paglahok sa kumperensiyang ito, maaaring makipag-ugnayan kay Propesor Romulo P. Baquiran Jr., Pangulo ng FIT, o kay Bb. Eilene G. Narvaez, pangkalahatang koordineytor ng mga gawain, sa numerong 547-1860. Maaari ding bisitahin ang website ng Filipinas Institute of Translation na sawikaan.net at/o magpadala ng mensahesafilipinas.translation@gmail.com.
Reposted from panitikan.com.ph with permission.
No comments:
Post a Comment