Ipagdiriwang ng Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman (SWF) ang “Buwan ng Wika” sa darating na Agosto. Isang buwan ng parangal, panayam, paglulunsad, at gawad na gaganapin sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman, Lungsod Quezon. Dadaluhan ito ng mga Komite sa Wika ng iba’t ibang Kolehiyo ng UP Diliman, mga Dekano at mga opisyal ng UP, at ilang piling panauhin. Bawat Biyernes ng bawat linggo (Agosto 3, 10, 17 at 31) ay magkakaroon ng kalahating araw na programa sa hapon, mula 1:00 hanggang 5:00.
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay may apat na bahagi.
Ang unang linggo (Agosto 3) ay may temang “Parangal” upang bigyan ng pagkilala si Dr. Jose Abueva bilang isang natatanging personalidad na may malaking ambag sa pagpapalaganap at pagpapayaman ng wikang Filipino. Panauhing pandangal sa araw na ito si Dr. Caesar Saloma, Tsanselor ng UP Diliman at si Dr. Teresita Maceda na bagong hirang na Tagapangulo ng Departmento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP).
“Panayam” ang tema sa ikalawang linggo (Agosto 10) at dalawang panauhing dalubhasa ang tatalakay sa mahahalagang isyung pangwika, sina Dr. Rosario Alonzo ng Kolehiyo ng Edukasyon at Dr. Rowena Guevara ng Kolehiyo ng Inhenyeriya.
Sa ikatlong linggo (Agosto 17), ipagpapatuloy ng dalawang panauhing dalubhasa ang pagtalakay sa mahahalagang isyung pangwika, sina Dr. Pamela Constantino bilang konsultant ng DepEd at CHED technical committee at si Dr. Jovy M. Peregrino bilang kinatawan ng PCEP-NCCA. Sa araw ding ito, ipakikilala sa madla ang pinakabagong mga aklat na lathala ng Sentro ng Wikang Filipino kaya may tema itong “Paglulunsad.”
Sa huling araw at ang pinakahihintay sa pagdiriwang, ay ang “Gawad” upang bigyan ng pagkilala ang natatanging guro, saliksik, artikulo sa Daluyan Journal, at publikasyon sa wikang Filipino na nagpakita ng katangi-tanging ambag sa pagpapalaganap ng Filipino bilang wika ng saliksik at pagtuturo. Pagkakalooban din ng espesyal na parangal ang Kolehiyo ng Agham bilang pinakamasugid na tagapagtaguyod ng Filipino sa pagtuturo dahil sa paglalathala ng maraming teksbuk na nasa wikang Filipino. Susundan ito ng simpleng hapunan na gaganapin sa Sulod Taguibanwa.
Para sa iba pang detalye, maaaring tawagan si Gng. Evangeline O. Guevarra sa telepono blg. (+632) 981-8500 lokal 4584 o sa (+632) 924-4747 o magpadala ng email sa guevarra_vangie@yahoo.com.
No comments:
Post a Comment