29 Mayo 2012
Mahal na Konsehala Julienne Alyson Rae Medalla at Konsehal Alexis Herrera:
Ako si Beverly W. Siy, manunulat at nakatira sa 128 K-8th St., Kamias, Quezon City. Namamalengke ako sa Nepa Q-mart at pinag-aaral ko ang aking anak sa Cubao. Ako ay 13 years nang solo parent at 13 years na rin akong residente ng Quezon City. Matagal ko nang ikinabubuhay ang pagsusulat, pag-eedit at pagsasalin.
Nais kong ipaalala sa inyo na ang isang libro ay binubuo ng napakaraming component. Ilang halimbawa nito ay ang sumusunod:
Article
Illustration
Photo
Cover design
Blurb
Translation
Lay out design
at marami pang iba.
Lahat po ito ay protektado ng copyright maliban na lamang iyong mula na sa public domain. Kasama sa copyright ang reproduction right o ang karapatan ng authors na kopyahin o paramihin ang kopya ng kanyang akda. Hindi lahat ng rights na nakapaloob sa copyright ay isinusuko ng authors sa kanilang publisher.
Kaugnay nito, tumututol po ako sa inyong panukala na sapilitang pagdedeposito sa Quezon City Public Library ng tatlong kopya ng bawat aklat ng lahat ng publisher na naka-base sa Quezon City.
Tutol po ako dahil wala pong kikitain ang karamihan sa mga author na naghirap para mabuo ang mga aklat, na hinihingi ninyo nang libre mula sa publishers sa Quezon City. Walang kikitain ang mga author sapagkat hindi kayo magbabayad. Higit sa lahat, ang tax incentive na inaalok ninyo, ay para sa publishers lamang. Paano po naman ang mga author?
Alam naman po natin na iilan lamang ang authors na may kaya. Kapag po ipinasa ninyo
ang panukalang ordinansang ito, inaagawan po ninyo ang mga author, lalong higit ang authors na hikahos, ng kanilang pambili ng kanin, ulam, gamot, pambayad ng bahay, pamasahe at iba pa.
Hindi lamang mga author ang inyong inaagawan ng karapatan na kumita mula sa kanilang akda kundi ang kanilang mga pamilya. Kadalasan, ang copyright ng mga author na yumao na ay napupunta sa kanilang mahal sa buhay, ang mga heir o tagapagmana.
Si Rogelio Sicat na sumulat ng well-anthologized na mga akda ay nanirahan at nagtrabaho sa Quezon City sa napakatagal na panahon. Yumao na siya at ang tagapagmana ng copyright ay ang kanyang maybahay na isa ring manunulat: si Ellen Sicat. Si Ellen Sicat ay taga-Tandang Sora, siya ay nagretiro na dahil matanda na siya upang magtrabaho pa. Mayroon din siyang apo na special child, na nangangailangan ng special medication at special education na may kamahalan. Isa sa inaasahan ni Ellen Sicat ay ang kita mula sa royalty at benta ng mga akda ng kanyang asawa.
Si Genoveva Edroza-Matute ay isa ring well-anthologized na manunulat sa wikang Filipino. Kuwentista siya at ang kanyang asawang si Epifanio Matute. Nang pumanaw ang mag-asawa (na hindi nabiyayaan ng anak), ang copyright ay ipinamana kay Corazon Kabigting, pamangkin ng mga Matute na nakatira sa Cubao, Quezon City. Siya ay senior citizen na rin at wala ring anak o asawa para magbigay ng pinansiyal na tulong para sa kanyang mga pangangailangan. Umaasa rin siya sa kita ng mga akda ng kanyang tiyahin.
Si NVM Gonzales ay isa namang well-anthologized na fictionist sa wikang Ingles. Nang siya ay pumanaw, ang naging tagapagmana ng copyright ay ang kanyang asawang 94 years old na sa kasalukuyan. Nasunugan sila ng bahay ilang taon na ang nakakaraan at ang nilipatan nilang bahay ay hindi pa napapagawa ang bubong dahil sa kakulangan sa pera. Tumutulo ang tubig kapag tag-ulan. Isa sa inaasahan niya at ng kanyang pamilya ay ang kita mula sa mga akda ng kanyang asawa. Bukod dito, itinataguyod din ng pamilya ang NVM Gonzales Foundation upang makatulong sa paglinang ng mga manunulat mula sa hanay ng kabataan.
Si Damiana Eugenio, residente ngayon ng UP Village, Quezon City ay naninirahang mag-isa sa malaki ngunit sira-sira nang bahay. Lubha na rin siyang matanda upang magsulat at magtrabaho pa. Isa sa kanyang inaasahan ay ang kita mula sa di mabilang niyang mga aklat tungkol sa folk literature. Halos lahat ng kanyang aklat ay UP Press ang nag-publish. Kung magiging ordinansa ang inyong panukala, wala siyang kikitain ni singko sa lahat ng libro niya na hihingiin lamang ninyo.
Lahat po ng binanggit ko ay residente ng Quezon City at bahagi ng mga constituent na sinasabi ninyong nais ninyong paglingkuran. Sa inyong panukalang ordinansa, sa paanong paraan ninyo sila matutulungan?
Ang panukala ko ay bilhin na lamang ninyo ang mga aklat mula sa mga publisher. Ang pagbili ninyo ng mga aklat ay makakapagbigay ng kita sa mga awtor at makakatulong nang malaki sa kanilang mga pamilya. Ang pagbili ninyo ng mga aklat ay makakatulong sa mga publisher sa Quezon City na simula’t sapul ay nagbibigay naman ng hanapbuhay sa maraming residente ng Quezon City. Ang pagbili ninyo ng mga aklat ay makakapagpayabong ng book publishing industry ng Pilipinas. Ang pagbili ninyo ng mga aklat ay makakapagparami ng manunulat na Filipino at mga akdang Filipino.
Mas marami kayong matutulungan at mapaglilingkuran sa pagbili ng mga aklat ng kapwa natin Filipino.
Ito po lamang. Maraming salamat sa inyong panahon. Inaasahan ko ang inyong positibong tugon.
Gumagalang,
BEVERLY W. SIY
Awtor
No comments:
Post a Comment