Copyright Para sa mga Likhang Pampanitikan, Siyentipiko, at Pansining
Bakit hindi binibigyan ng copyright ang ideya, pamamaraan, proseso, sistema, konsepto, prinsipyo, tuklas, o fact?
Kasi ang mga nabanggit ay building blocks na kailangan ng bawat author para makagawa ng akda o likha. Kailangan ang ideya ng pag-ibig: mahirap pero magandang babae, binatang tagapagmana ng malaking negosyo, at babaeng mayaman pero masama ang ugali, para makabuo ng isang kuwento ng love triangle.
Kahit sinong manunulat, makata, o kuwentista ay maaaring gamitin ang mga ideyang ito para makalikha ng mga bagong akda.
Kung bibigyan ng copyright ang sinumang magsabing pag-aari niya ang ideyang love triangle ng babaeng mahirap pero maganda, binatang tagapagmana ng isang business empire, at babaeng mayaman nga matapobre naman, hindi na tayo makaka-engkuwentro pa kahit kailan ng mga akda, awit, pelikula, o stage play ukol dito. Magiging dahilan ito ng pagkatuyo ng balon ng paglikha at saka pagkasawa ng mga tao sa iisang kuwento ng love triangle mula sa iisang author lamang.
Building blocks din sa panitikan ang mga letra ng alpabeto at salita.
Ganito rin ang siste sa mga kulay at hugis. Hindi puwedeng ipa-copyright ang kulay tulad ng pula, dilaw, asul, at iba pa. Hindi rin puwedeng ipa-copyright ang mga hugis tulad ng bilog, parisukat, parihaba, at iba pa. Kung ang building blocks ng sining ay magiging pag-aari ng iba dahil sa copyright ay mawawalan ng mga kulay at hugis ang ating mga drowing at paintings. At anong klase ng sining ang walang kulay o hugis?
Ang malikhaing pagsasama ng mga hugis, paghahalo, at pagtatambal ng mga kulay na nagiging painting, drowing, o visual art ang orihinal na expression ng idea ng mga pintor at artist. Ang final product ang may copyright tulad ng nobela sa libro, painting sa canvass, illustration sa teksbuk, design ng t-shirt, o imahen sa eskultura.
Sa larangan ng musika, ang mga nota at tunog ang building blocks. Hindi rin ito maaaring ipa-copyright. Hindi puwedeng sabihin ng biyenan mong nasa kanya ang copyright ng notang C o ng B flat. Kung magkakagayon ay magiging kulang ang ating mga awit, sablay ang mga tunog, at sintunado ang musika.
Ang building blocks na ito ang ginagamit ng mga kompositor, musikero, at lirisista para makalikha ng magagandang kanta at nakakaaliw na musika. Ang awit o musika na final product ng creative process ang siyang binibigyan ng copyright.
Sa larangan naman ng siyensiya, ang mga tuklas o discovery, mga fact at pangalan ay building blocks din kaya hindi ito binibigyan ng copyright.
Halimbawa, ang Conotoxin mula sa marine snail o susong dagat ay tuklas ng dalawang National Scientists na sina Dr. Lourdes J. Cruz at Dr. Baldomero M. Olivera.
Ang Conotoxin o lason ay ginagamit ng mga susong dagat para makahuli ng pagkaing isda, lamandagat, at iba pa. Ang facts tungkol sa conotoxin, pangalan nina Dr. Cruz at Dr. Olivera ay hindi maaaring bigyan ng copyright. Dahil kung may copyright ito ay wala nang makakapagsulat tungkol dito kundi ang may-ari na lang ng copyright.
Para maipaliwanag ng dalawang siyentipiko ang kanilang tuklas ay magsusulat sila ng mga artikulo tungkol sa Conotoxins at mga susong dagat na matatagpuan sa Pilipinas.
Ang kanilang mga artikulo ay gagamit ng building blocks tulad ng kanilang discovery, facts, at mga pangalan.
Ang binibigyan ng copyright ay ang expression ng mga idea. Ang kakaibang paraan ng pagkukuwento, pagtula, pag-awit, o pagpapalabas sa pelikula at entablado ang siyang malikhaing expression ng idea. Kaya para sa ginawa nina Dr. Cruz at Dr. Olivera, tanging ang scientific articles nila ang binibigyan ng copyright.
Pero kahit hindi copyrightable, ang mga ideya at nabanggit na building blocks ay NAPAKAHALAGA. Ang mga ito kasi ang ginagamit para malayang maipalaganap ang naiisip ng mga manunulat, siyentipiko, at artist sa atin.
Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com