Thursday, May 1, 2014

Sapantaha: Mga Maikling Kwentong Spekulatibo at Imahinatibo pinalawig ang dedlayn hanggang Mayo 31

Matunog sa ating pandinig ngayon ang spekulatibo bilang bansag sa imahinatibong sulatin. Kadalasang tumutukoy ito sa panulat na hindi lamang gumagamit ng mga dragon o bampira bilang mga tauhan, maari ring ang tagpo’y nasa Middle Earth o The Wall. Minsan, hindi naman kinakailangang maging pantastiko ng tauhan o ng tagpo. May akdang spekulatibo na pumupulso sa kasalukuyan at lumilikha ng mga senaryong nakahihindik ngunit posible. 
Wala bang makain ang karamihan? Puwes, gawing isang reality show ang patayan ng mga kabataan sa isang mundong naging tradisyon ang Reaping upang maging pagpupugay sa mga illusyon ng pagkaBusog at kapayapaan. Nakakapraning na ba ang social media gaya ng facebook? Matagal nang sinapantaha ni George Orwell ang Big Brother na laging nakamasid. 
Kasalukuyang pukaw ang interes ng mga kabataang mambabasa sa ganitong uri ng mga babasahin at bakit hindi? Nakaririndi nga marahil na makapagbasa ng mga kathang tungkol sa mga magsasakang nag-aalumpihit sa poot o mga manggagawang nag-aamok at mamamaril. Hindi naman sa kinakanlong ng mga patnugot ng Sapantaha ang eskapismo. Nais lang naming ipakita na matagal nang dumadaloy sa panitikan ng bansa ang imahinasyong piston rin ng ganitong mga katha. Lamang, hindi pa marahil nagkakaroon ng pagkakataong matipon bilang antolohiya. 
Layunin ng Sapantaha na tipunin ang mga akdang may tatak ng imahinasyong humuhulma ng mga kinikinita, hinala at , kutob. Kung kinikinita, pagaganahin ang bisyon ng hinaharap. Maaring paglaruan ang panahon, kadyutin ang calibre ng odometer ng oras upang maging 2046 o 3014, o maari ring gawing paurong, bago pa tayo sinakop ng mga Kastila at kasalukuyan pang tumatawid ang mga elepante sa mga landbridges. 
Puwedeng maglagay ng detalyeng ang nakaupong president ng Pilipinas ay dating child star na naging massacre movie queen. Paano kung ang scholarship ay sponsored ng isang katulad ni Justin Bieber na may sentimental na alaala sa Pilipinas noong na-Yolanda iyon? Paano kung ang katumbas ng Rossum’s Universal Robots ay ang OFW? Inuupgrade at chinachopchop?
Maari ring maging susing salita ng akdang sapantaha ang hinala. Na may ugnay sa paghuhubog ng historical fiction. Sa akda ni Macario Pineda na Ginto sa Makiling, hinabi niya ang pamilyar na alamat ni Mariang Makiling sa kaparehas na time-space continuum ng mga unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Sabayang umiiral ang Edenikong komunidad ng Makiling at ang nayon, at hindi man nabanggit ni Pineda, ang konstruksiyon ng mga unang pampublikong eskuwela sa mga dating pueblo, at ang posibleng pag-aaklas ng mga sakada. Tila tahimik ang galamay ng kolonyalismo sa akda ni Pineda, ngunit lumilitaw sa pag-iral mismo ng isang diwatang namimili ng kakang gata ng lahi upang mamuhay sa Makiling. 
Inakda ni Faustino Aguilar ang Lihim ng Isang Pulo, isang nobelang nasa panahong bago pa dumaong ang mga galleon ni Legaspi’t Magellan. Doon, tumutok si Aguilar sa dinamiko ng isang barangay. Hinala marahil niya na mayroon tayong abanseng sibilisasyon, at naipakita niya iyon sa nobela. 
Maraming what ifs sa ating kasaysayan na tila humihingi lamang ng pagkakataong isulat bilang kuwento. Ang mga chismis tulad ng kayamanan ng kilusan ng Katipunan, na nasa kamay ni Heneral Antonio Luna, ngunit sa gitna ng kabilaang pagtataksil at panggigipit ay mapupunta sa kinakasama niyang babae, na tila pinagtiyap at kaapelyido pa ng isang prominenteng dating pangulo ng Pilipinas. Ang mga botelya ng gamot para sa syphilis na natagpuan sa klinika ni Rizal. Ang nangyari kay Juan Luna, matapos mabaril ang asawa’t biyenan sa kanilang tahanan sa Paris. 
Totoo, mahirap gamiting material ang kasaysayan sapagkat maaari kang makapaghabi ng mga kasinungalingan o distortion. Hindi hangarin ng kuleksiyon na kanlungin ang gayong hinala. Sa halip, nais lang nito na ipakitang ang fiksiyon kung minsa’y mas totoo pa sa katotohanan. Sa Makina ni Turing ni Ramon Guillermo, isang ilustrado ang babasag sa nakasanayang kahulugan ng salitang iyon – ipakikita na siya’y may ugnay hindi lamang sa mga akulturadong laman ng mga salon at aklatan, kundi pati sa mga kumikilos para sa Rebolusyon. Gagamitin ni Guillermo ang larong sungka upang magsilbing trope ng liminal na pag-iral ng mga tauhang iyon. 
May hinala si Sadyah Zapanta sa Lumbay ng Dila ni Genevieve Asenjo na siya’y may makulay na nakaraan – at totoo pala iyon nang manumbalik sa kanya ang halaga ng salaysay ng mga nuno niyang may mga kapangyarihang mahikal na nagsilbing panangga sa pananakop. Ang mga akdang ito’y patunay na mahalaga ang kapangyarihan ng spekulatibo upang makapagnilay tungkol sa ating nakaraan, personal man o pambansa.
Maari ring ang kuwento’y umiikot sa kutob, isang katangiang taglay ng mga kuwentong horror o katatakutan. Bukod sa mga popular na edisyon ng Philippine Ghost Stories series ng PSICOM, maraming mga kuwentong nasa genre na ito sa wikang Filipino ang namukadkad sa Liwayway, Bannawag at Hiligaynon. Sa “The Ghost of La Casa Grande” ni Cristina Pantoja Hidalgo, magtatagpo ang nuno at ina. Paglayo ito sa stereotypical na whitelady na nakatira sa mga mariringal na tahanan, na humihingi ng hustisya. Kung may hiling man ang multo, ito ang kaligayahan ng apo niyang tila magiging katulad rin ng tinahak ng kanyang buhay. Isang alipin ng patriyarkal na ekspektasyon, at sexistang lipunan. 
Hangarin ng kalipunan na tipunin ang mga akdang alanganin – hindi maiuri kung kuwento nga bang talaga. Hindi dagli, hindi rin dula, hindi tula, hindi sanaysay. Ang mahalaga, nangangagat, nang-uusig, nangingiliti, nakikibungisngis. Sa “Dugo at Utak” ni Cornelio Reyes, umaandar ang diwa ng isang manggagawang naghihingalo, literal na nalulusaw ang utak, at nakalulusaw rin ang prosa. Mga kumag man sa mundo ng fiksyon ni Derain o mga duwende sa akda ni Perez, inaakay tayo ng mga panulat na iyon sa mga alanganin ring mundo – na panahon na ring makilala ng mga kontemporaryong kabataan.
Kabilang din sa yumayamang kasaysayan ng spekulabo't imahinatibong katha ang mga nobelang Ang Banal na Aklat ng mga Kumag ni Allan Derain, Si Amapola sa 65 na Kabanata ni Ricky Lee, at Walong Diwata ng Pagkahulog ni Edgar Calabia Samar.
Kung sa hinuha ninyo’y may akda kayong tumutugma sa aming linalarawan, aba, huwag mag-atubiling isumite ang inyong likha. (Maari nang banggitin ang deadline dito, sorry, di ko maalala kung kalian, nakalimutan kong itala – LSC) Ipadala ang manuskrito salcleto9@gmail.com at sa roland.tolentino@gmail.com. Huwag nang ipakain sa anay ang ideya, isulat, at nang sama-sama nating mapayabong ang sapantaha sa kapangyarihan ng sama-sama nating spekulasyon at imahinasyon.
Deadline ng pagpapasa: Mayo 31, 2014, isama ang tatlong pangungusap na bio ng manunulat, at sertifikasyong orihinal sa manunulat ang akda.
Dalawang screening ang mangyayari. Una ay sa mga editor pero ang final ng seleksyon ay magmumula sa rekomendasyon ng pablisyer.

Ang press release na ito ay inilathala sa panitikan.com.ph. Ni-repost dito nang may pahintulot.

No comments:

Post a Comment