Tuesday, February 21, 2012

Mga Bagong Kasapi ng LIRA, ipapakilala sa ‘LIRAhan sa Conspiracy Bar’ sa Peb. 21

Mga Bagong Kasapi ng LIRA, ipapakilala sa ‘LIRAhan sa Conspiracy Bar’ sa Peb. 21



Walong bagong makatang-boluntaryo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang ipakikilala at manunumpa sa Peb. 21, 2012, sa LIRAhan: Tulaan sa Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Lungsod Quezon.



Ang mga bagong kasapi ng LIRA ay sina Roy Rene Cagalingan, Paul Castillo, Dakila Cutab, Christa De La Cruz, Kriscell Largo Labor, Allan Lenard Ocampo, Andrew Salut, at Luigi James Tana. Sila ang mga nagsipagtapos sa mga programa ng Taunang Palihang Pampanulaan 2011 ng LIRA, na itinatag bilang Rio Alma Poetry Clinic noong 1985.



Manunumpa sila bilang mga bagong makatang-boluntaryo ng LIRA sa pamumuno ng tagapatatag at tagapayong si Virgilio S. Almario (ang makatang Rio Alma), Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan.



Ang panunumpa ay bahagi ng programang “Tagay at Tula para kay Teo Antonio”, isang pagpupugay para sa dakilang prinsipe ng Balagtasan at makata ng bayan. Isa pang bahagi ng programa ay ang lunsad-aklat ng Isa Lang ang Pangalan, ang pinakabagong koleksyon ng tula ni Rebecca T. Añonuevo, isa ring premyadong makata ng LIRA.



Ang LIRA ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Sa pagtataguyod nito ng Taunang Palihang Pampanulaan sa loob ng 26 taon, ng Sining ng Tugma at Sukat na serye ng mga seminar hinggil sa tradisyonal na panulaan at pagtuturo ng panitikan, sampu ng marami pang proyektong may mithiing mapalago ang panitikan at kultura sa tulong ng mga kasapi nitong “makatang-boluntaryo”, kinilala ang LIRA bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) noong isang taon ng National Youth Commission at TAYO Foundation.

No comments:

Post a Comment