Friday, August 3, 2012

Pambansang Kumperensiya sa Wika, Bida ang K-12 at Salita ng Taon, ngayong Setyembre na

Sa Setyembre 2012, halos kalahating taon na ang implementasyon ng bagong programa sa edukasyon sa Pilipinas na binansagangK-12.Siguradong gusto nang malaman ng mga guro, administrador at magulang kung ano na ang nangyayari sa mga layunin ng programa batay sa mga repormang nangyari sa mga eskuwelahan, sa paggawa ng mga materyal panturo, at maging sa pagtuturo ng Filipino. Mangyari’y isa sa mga pangunahing isyu sa K-12 ang pagpapahalaga sa inang wika, o unang wika ng mag-aaral, at ang kaugnayan nito sa Filipino, ang pambansang wika.

Tatalakayin ng mga eksperto at praktisyoner sa edukasyon ang mga usapin kaugnay ng K-12 sa “Pambansang Kumperensiya sa Wika” na gaganapin sa Leong Hall, Ateneo de Manila University sa 20-22 Setyembre 2012 sa pagtataguyod ng Filipinas Institute of Translation.

Sa araw ng kumperensiya, tatalakayin ang papel ng wikang Filipino sa bagong programang pang-edukasyon. Magsasalita ang mga respetadong edukador, administrador at mga tagatangkilik ng isyu hinggil sa kabuluhan ng Filipino sa programang K-12, reporma sa Filipino bilang asignatura, at mga hamon sa larang ng paggawa ng mga bagong materyal pang-edukasyon. Makakatulong ng malaki ang mga panimulang pagtatasa sa pagpapabuti sa bagong programa.

Pagtutuunan din sa Kumperensiya sa pamamagiitan ng “Sawikaan” ang pagtukoy ng bagong “salita ng taon.”Lalahok ang mga batang akademiko, lingguwista, at mananaliksik sa pagtataguyod ng mga salitang “level-up,” “wang-wang,” “trending,” “SALN,” “impeachment,” “pagpag,” “fish kill,” “palusot,” “pick-up line,” “wagas,” “android,” “wi-fi,”at iba pang popular na salita para maitanghal na “salita ng taon.” Ang mga tagapanood at mga kasapi ng inampalan ang pipili kung alin ang karapat-dapat magwagi batay sa husay ng saliksik, patunay at pangangatwiran, at sa ganda ng pagkakasulat at presentasyon ng papel.

Itinataguyod ang kumperensiya ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pakikipagtulungan sa Wika ng Agham at Kultura (WIKA), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Ateneo de Manila University (AdMU), Commission on Higher Education (CHED), at ng Department of Education (DepEd).

Para sa kompletong detalye, mag-email safilipinas.translation@gmail.com o tumawag sa 5471860.

No comments:

Post a Comment