Thursday, January 5, 2012

Ang Simula ng Katapusan

5 Enero 2012

Buhay na Titik
ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS

Ayon sa propesiya na nagmula sa sibilisasyong Maya (hindi ito iyong ibon, ha?) ang mundo ay matatapos na sa Disyembre 21, 2012. Kaya pagpasok ng bagong taon na 2012 ay umpisa na ng countdown papunta sa end of the world. Dapat mo itong ibalita sa biyenan mo.

Ang mga Maya (hindi nga ibon) ay tumubo at nanirahan sa Central America noong 250 – 900 AD. Inobserbahan ng kanilang mga pantas ang galaw ng mga star, Nag-therefore conclude sila na magkakaroon ng isang worldwide event na tatapos sa ating mundo.

Isinulat nila ang mga propesiya sa pamamagitan ng pag-ukit ng mga simbolo sa bato. Ang mga simbolo naman ay isinalin ng mga Espanyol noong sakupin nila ang kontinente ng Amerika.

Ang mga teksto ng propesiya ay lumaganap at nagbigay-daan para magkaroon ng mga nobela, pseudo-scientific books, at pelikula. Meron ding gumawa ng TV specials para ipakita sa mga manonood ang mga puwedeng mangyari sa end of the world.

Posible raw na banggain tayo ng asteroid o bato mula sa outer space. Posible ring maluto tayo sa solar flares o malunod sa worldwide flood (ala Noah). Posible ring maging zombie ang lahat ng kapitbahay mo. (Siyempre, dapat ikaw lang ang survivor).

Dahil sa isinulat ng mga Maya (hindi nga ang ibon), naging masigla ang business ng mga nagsusulat tungkol dito. Marami ang nakabenta ng libro, maraming artista at producer ang kumita dahil sa kanilang mga pelikula at mga palabas sa TV.

Marami ring mga nagsamantala rito. May mga nagtatag ng kulto at kung ano-anong samahan para makuha ang mga property at pera ng mga miyembro nila. Tutal end of the world na nga naman, aanhin pa nila ang mga property at pera nila? (Hmmm, kung ano ang gagawin ng lider ng kulto sa mga nakuhang kayamanan, di na natin malalaman kasi patay na tayo…pero milagrong buhay pa si lider).

Kung tutuusin, ang lahat naman talaga ay may katapusan. Nothing lasts forever. At ang simpleng ideyang ito ang naging dahilan para magkaroon ng inspiration ang authors, scriptwriters, producers, at mga negosyante.

Me simpleng idea ka ba? Palawakin mo para maging isang libro, tula, nobela, o script ng pelikula. Ito na ang simula. At siyempre, ‘wag mong kalimutan na hingin ang mana mo sa biyenan mo. Kasi end of the world na, di ba?

Inaanyayahan ang mga awtor, publisher, o tagapagmana ng copyright na sumali sa FILCOLS. Ito’y para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga akda. Kailangan lamang ay mayroon kayong published works kung kayo ay awtor/publisher o nasa inyo ang kapangyarihang mag-manage kung heirs kayo ng awtor. Wala pong membership fee. Kung may tanong hinggil sa tinalakay na paksa, mag-email lamang sa filcols@gmail.com.

No comments:

Post a Comment