Tuesday, February 18, 2014

Si Janus Silang, ang pinakabagong obra ng FILCOLS Member na si Edgar Samar

Malugod naming ipinapakilala sa inyo si Janus Silang, ang bida sa serye ng mga nobelang pambatang ilulunsad ngayong summer, at sa TALA Online, isang RPG na malaking bahagi ng kuwento ng nobela. Ang unang libro sa serye ay ang Janus Silang at ang Tiyanak ng Tábon.
Sa tournament ng TALA Online sa bayan ng Balanga, namatay ang lahat ng manlalaro maliban kay Janus. Sunod-sunod pa ang naging kaso ng pagkamatay ng mga kabataan sa computer shops sa iba’t ibang panig ng Filipinas. Kinontak si Janus ng nagpakilalang Joey, isa rin umano sa mga nakaligtas sa paglalaro ng TALA na gaya niya. Hindi inasahan ni Janus ang mga matutuklasan niya mula rito na mag-uugnay sa kanya sa misteryo ng kinahuhumalingan niyang RPG—at sa alamat ng Tiyanak mula sa Tábon!
Mababasa na ang unang pahina ng nobelang ito, isinulat ng premyadong nobelistang si Edgar Samar, sa TALArchives.net, na katatagpuan ng iba pang detalye at mga pahaging sa mga pangyayari sa nobela. Bisi-bisitahin lamang ang nabanggit na website para sa iba pang balita tungkol sa Janus Silang.

No comments:

Post a Comment