ni Alvin J. Buenaventura ng FILCOLS
Tatlong Uri ng Ari: Personal Property, Real
Property at Intellectual Property
Bilang mga ari-arian, ano ang pagkakaiba ng relo sa bahay at lupa?
Maliban sa pagkakaiba ng halaga, ang relo ay personal property. Ito ay
maaaring buhatin o dalhin saan ka man magpunta. Maaari mong isuot ang
relo sa trabaho o paglalakwatsa. At dahil pag-aari mo ito ay may
karapatan kang desisyunan ang magiging gamit nito sa buhay mo. Maaari
mo din itong ipahiram sa asawa mo. Maaari mo ding ipagbawal ang
pagpapahiram nito sa iyong biyenan. Maaari mo ring isanla o ibenta
ang relo. Maaari mo rin itong ipamana sa iyong anak.
Samantala, ang bahay at lupa ay real property. Ito ay hindi maaaring
mabuhat o mailipat kung saan mo nais pumunta. Hindi maaaring dalhin
ang bahay at lupa sa trabaho o sa pamamasyal. At dahil pag-aari mo ito
ay may karapatan at kapangyarihan kang pagdesisyunan ang gamit nito.
Maaari mo itong ipahiram sa iyong biyenan o ipagbawal ang pagpapatira
sa iyong kapitbahay. Maaari mo itong isanla, ibenta, ipaupa, o
ipamana.
Ano naman ang intellectual property o IP for short? Ang IP ay mga
tuklas o likhang nagmula sa isip ng tao. Ang IP ay may dalawang uri:
industrial property kung saan nakapaloob ang patent para sa mga
imbensiyon, trademark para sa mga tatak ng produkto o servicemark
para sa mga tatak ng serbisyo at copyright o karapatang-sipi para sa
mga gawang pampanitikan at sining.
Tulad ng personal property at real property, ang IP ay mayroong
nagmamay-ari. At ang mga may-ari nito ang may karapatang magdesisyon
kung paano ito gagamitin. Ang IP ay maaari ding ipahiram, isanla,
ibenta, ipaupa, o ipamana.
Tatalakayin natin ang mga uri ng IP sa susunod na isyu ng Buhay na Titik.