Kasalukuyang naka-confine ang makata at mandudulang si Frank Rivera sa Manila Doctor's Hospital. Inoperahan siya sa pisngi, panga, leeg at lalamunan dahil sa isang uri ng kanser na kumalat sa mga bahaging ito.
Nagche-chemo therapy siya ngayon at sa wakas ay malapit nang matapos ang kanyang mga session.
pero habang nasa ospital pa siya, masaganang-masagana naman siyang gumagawa ng akda. Paano? Sa pamamagitan ng pagte-text.
Halos ilang buwan na rin mula nang regular na mag-text si Sir Frank sa akin ng kanyang mga tula at maiikling sanaysay hinggil sa iba't ibang paksa: ospital, sakit, literal na sakit, at sakit ng bayan, tiwaling politiko (ano pa nga ba?) at ilang calendar related events tulad ng araw ng kasarinlan.
Narito ang mga text niya sa akin ngayong araw na ito:
If only pain could think, it can mellow our deepest grief. If we don't wallow in our grief, pain could miraculously be so brief. Pain and grief can both be a virtue if we learn from experiencing them. And they eventually go away as nothing is as permanent as change even if masochists wish for both of them to stay. Brief can spell forever if grief, so intense, remains a pain. If we let the pangs of pain chew us, grief can never be brief for pain is like the waves trying to grasp the shore; and grief resembles the shore trying to let go of the oncoming tide. Although we can be swept away by our pain and drown in our grief, pain can make us stronger as we can draw strength from grief. They go on and on. Nothing stays forever after all, like time, that is instant. Time also dictates change. That is constant. And time is briefer than brief which cannot be easily grasped. Only memory does that but so whimsically.
Then, all we have is hope. Hope is good. It can let go of anything like pain and grief. It can even grasp time for it is never brief. There is permanence in hope as hope is forever. Like God, Who is forever and permanent. If only pain and grief could think God...
-16 Oct. 2013
Heto naman, tula:
Kamataya'y hindi ang naglahong ilaw
Hindi ang liwanag nitong nasasaklaw
Kundi ang pagpatay sa lamparang taglaw
Dahil dumating na ang Madaling araw.
16 Oct. 2013
Heto ang isang napapanahong tula:
2 Tanagang UAAP
1.
Ayy! Napana ang Tigre
Ang dilaw naging verde
Di-El-Es-Yu-Yu-Es-Ti
Mga Teng ang nagwagi.
2.
Sa mahilig sa bola
Hindi bago ang kanta
nang mag-dribble si Ama
Sa anak ipinasa.
-13 Oct. 2013
Heto ang isang serye ng tula:
1.
Kanya-kanyang papel na ginagampanan
Mundong entablado'y ating kinulayan
Kahit kadalasa'y di naiilawan
Ang pangarap natin, sana'y di nasayang.
2.
Ang mga palabas kung naisaloob
Ating sandata na sa pakikihamok
Sa gadaigdig na problemang sumubok
Sa tineatrong buhay sa ati'y humubog.
3.
Laksang suliranin ating kinaharap
Di tayo yumaman, hindi rin sumikat
Sa matinding laot ng mga hinagap
Naitawid pa rin ang mga pangarap.
4. Ang isinilang ko'y dula, awit, tula
Naglayag at sana'y naghatid ng tuwa
Kahit pa minsan ay inaalipusta
Mas madalas namang yakapin ng madla.
5.
Maraming papuri at mga parangal
Tropeyo't medalyang may kinang na kambal
Kapirasong papel, may kambal na aral
Kusang iginawad, may kuha sa dasal.
6.
Napakarami ring bayan ang narating
Buong Pilipinas, inikot, inangkin
Sa ibayong bansa, lalong pinaigting
Tatak-Pilipinong kilala sa galing.
7.
At nangyari lamang ang lahat ng ito
Pagkahalukay sa buong pagkatao
Sa pinakapusod naro'n ang totoo
Mangingibabaw ang pagka-Pilipino.
8.
Mga sinimula'y nagwawakas lahat
Ngunit mahalaga'y napagtanto agad
Maraming tumulong para makaangat
Sa kanila handog - ang pasasalamat!
-15 Oct. 2013
Marami pa siyang itine-text sa amin. Sabi nga namin ay puwede nang gawing materyal para sa isang e-book. At umoo naman siya at tuwang-tuwa. Sabik na sabik na siyang makita ang magiging cover page. Meron na nga rin siyang pamagat. (Saka ko na ipo-post dito, para me element of surprise.)
Kahanga-hanga ang sigasig ni Sir Frank sa paglikha ng akda. Ansabe ng sakit? Wala. Ansabe ng kanser? Wala. Ansabe ng mga tubo-tubong nakasuksok sa kanyang laman? Wala. Panis.
Well, ganyan talaga ang mga tunay na alagad ng sining, lalong sumisigasig sa paglikha kapag sinisikil ng pisikal na mga puwersa.
So, ansabe ni Sir Frank?
BRING IT ON.
WILL. NEVER. CEASE. TO. CREATE.
-Dito ay inilathalang muli nang may pahintulot ang akda ni Sir Frank.